Mariing kinukundena ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panlegal (SALIGAN) ang pagturing ng Pamahalaan ng Lungsod ng Quezon sa mga walang tirahan bilang mga sagabal sa lungsod.
Sa mga social media post ng lungsod ukol sa road clearing operations, isinama sa listahan ng mga “road obstruction” o sagabal sa kalsada ang “homeless individuals.” Sila ay kahilera ng “debris,” “waste materials,” mga gusali, at iba pang mga sagabal sa kalsada.
Bilang miyembro ng Local Housing Board ng Lungsod ng Quezon, pinaparating ng SALIGAN ang pinakamalalim na pagkadismaya nito sa Pamahalaan ng Lungsod. Pinapakita nito kung paano tinitignan ng pamahalaang lokal ang mga taong walang matirhan at mga informal settler family (ISF) – bilang walang pinag-iba sa basura. Ito ay pagyurak sa dignidad nila bilang tao at taliwas sa mga saligang prinsipyo ng mga karapatang pantao.
Bukod dito, iligal ang pagkakasama ng “homeless individuals” sa mga sagabal sa kalsada na maaaring puwersahang alisin o palayasin. Sa ilalim ng DILG MC No. 2020-068, suspendido ang lahat ng administratibong ebiksyon at demolisyon ng mga ISF habang nasa ilalim ng State of Calamity ang bansa. Nananatiling may bisa ang DILG MC na ito hanggang ika-12 ng Setyembre 2021, alinsunod sa Proclamation No. 1021, s. 2020, ng Pangulo na siyang nagpalawig ng State of Calamity sa bansa. Sa katunayan, ang mga social media post ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Quezon ay lantarang pag-amin nitong hindi nito nagampanan ang mga responsibilidad nito sa ilalim ng nasabing DILG MC, na nag-uutos sa lahat ng pamahalaang lokal na magbigay ng “interim shelter facilities” sa mga tao at pamilyang walang matirhan.
Nananawagan ang SALIGAN sa Pamahalaan ng Lungsod ng Quezon na agarang itama ang malinaw na pagkakamali nito sa nasabing mga social media post. Kinakailangan ding linawin ng pamahalaang lokal na hindi kasama ang “homeless individuals” sa mga maaaring puwersahang tanggalin o palayasin sa road clearing operations nito, alinsunod sa suspensyon ng mga administratibong ebiksyon at demolisyon sa gitna ng pandemya. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagsusog sa Memorandum dated 15 November 2020 ng Opisina ng Alkalde ng Lungsod ng Quezon na siyang batayan ng mga social media post. Itaguyod ang dignidad at karapatang pantao ng mga taong walang tirahan. Ipaglaban ang karapatan ng maralita sa kalunsuran.