KATARUNGANG PAMBARANGAY (TAGALOG VERSION)

Ang Katarungang Pambarangay ay isang sistema nang pangangasiwa ng hustisya sa bawat barangay upang maisaayos ang mga hidwaan sa pamamagitan ng mediation, conciliation o arbitration ng mga nakatira sa barangay na hindi na kinakailangan pang dumaan sa korte.

Ang sistema ng Katarungang Pambarangay ay maituturing na isang tradisyonal na paraan ng pagsasaayos ng mga hidwaan sa komunidad ng Pilipinas. Ito ay matagal ng ginagawa simula pa sa panahon ng mga tribu, angkan, pamilya at noong panahong wala pang organisasyong pulitikal katulad ng barangay.

Dahil sa ipinakitang bisa ng sistema ng Katarungang Pambarangay, minarapat ng ating gobyerno na gawing pormal at isama ito sa Sistemang Legal ng ating bansa bilang isang paraan ng pagsasaayos ng hidwaan.

Dahil dito ang Presidential Decree (PD1508) o Katarungang Pambarangay Law ay pinagtibay noong Hunyo 11, 1978 at naging epektibo naman noong Disyembre 20, 1978. Ang PD 1508 ay isang pagkilala sa mahalagang papel ng tradisyon ng mga Pilipino na ayusin ang hidwaan o hindi pagkakaintindihan ng bawat isa sa barangay sa pamamagitan ng amicable settlement na siyang daan upang maitaguyod ang mabilis na pangangasiwa ng hustisya o katarungan.

Share This